Healthy Food Treats at Nutrition IEC, Nagdulot ng Ngiti sa mga SPED Students at Kanilang Caregivers

Bilang parte ng pagdiriwang ng Nutrition Month 2026 na may temang “Nutrisyon at Kalikasan, Ating Pangalagaan!”, nagbigay ngayong araw, Hulyo 2, 2026, ang MNAO ng healthy food treats at nutrition information, education, and communication (IEC) para sa mga mag-aaral ng Special Education (SPED) ng Bayambang Central School at kani-kanilang mga magulang at caregiver.

Sa aktibidad, napalawak ang kaalaman ng mga magulang at caregiver ng mga SPED student hinggil sa kahalagahan ng wastong nutrisyon, food safety, at pangangalaga sa kalikasan bilang pundasyon ng malusog na pamumuhay.

Sa pamamagitan ng mga interaktibong talakayan at angkop na pang-nutrisyong IEC, naihatid sa mga caregiver ng mga bata ang mahahalagang impormasyon sa paraang madaling maunawaan, kawili-wili, at naaayon sa kanilang pangangailangan.

Matagumpay na naisakatuparan ang programa sa pagtutulungan ng Municipal Nutrition Technical Working Group at ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa pamumuno ni G. Johnson Abalos. Nagkaisa ang mga katuwang na tanggapan upang matiyak na ang bawat batang kalahok ay mabibigyan ng sapat na kaalaman at suporta tungo sa mas malusog na pangangatawan at pamumuhay.

Sa programa, namahagi si Mayor Niña Jose-Quiambao sa mga SPED student ng masusustansyang pagkain gaya ng saging, orange, champorado, at sterilized milk bilang pagpapakita ng malasakit at suporta sa kanilang kalusugan at pangkalahatang pag-unlad.

Ang gawaing ito ay sumasalamin sa patuloy na pangako ng Lokal na Pamahalaan na isulong ang inklusibong serbisyong pangkalusugan at tiyaking ang bawat Bayambangueño, anuman ang kanilang kakayahan o kalagayan sa buhay, ay may pantay na pagkakataong makinabang sa mga programang nagtataguyod ng wastong nutrisyon at de-kalidad na serbisyo. (VMF/RSO; AG)