Sa patuloy na pagsusulong ng isang produktibo at masiglang hanay ng mga lingkod-bayan, pormal na sinimulan ngayong araw, July 2, 2026, sa Balon Bayambang Events Center ang Healthiest Department Assessment bilang isa sa mga tampok na aktibidad ng pagdiriwang ng Nutrition Month 2026.
Layunin ng programang ito na hikayatin ang bawat departamento ng LGU na isabuhay ang kultura ng kalusugan, wastong nutrisyon, at aktibong pamumuhay tungo sa mas mahusay at de-kalidad na serbisyong publiko.
Lumahok sa naturang assessment ang bawat departamento ng LGU-Bayambang, kung saan ang bawat kawani ay sumailalim sa iba’t ibang ebalwasyon kabilang ang Body Mass Index (BMI), Non-Communicable Disease (NCD) Risk Compliance, YAKAP Registration, Vices-Free Lifestyle, Workplace Environment, Physical Activity, at bilang ng mga dumalong empleyado.
Naunang sumalang sa assessment ang Bayambang Public Safety Office (BPSO) na may kabuuang 116 na empleyado, bilang unang departamentong sumailalim sa masusing pagsusuri.
Nagsilbing Assessment Team ang mga RHU Nurse, mga kinatawan ng Human Resource Management Office (HRMO), at mga kawani ng Municipal Nutrition Action Office, na nagsagawa ng masusing inspeksyon at ebalwasyon sa bawat departamento batay sa itinakdang pamantayan.
Ang aktibidad na ito ay nagsisilbing paalala na ang mabuting kalusugan ng bawat kawani ay mahalagang pundasyon ng mahusay at may kalidad na serbisyo publiko.
Sa pamamagitan ng sama-samang pakikilahok ng bawat departamento, patuloy na isinusulong ng LGU-Bayambang ang kultura ng wellness, disiplina, at malasakit sa kapakanan ng mga empleyado bilang bahagi ng layunin nitong makapaghatid ng mas mahusay at mas makataong serbisyo para sa bawat Bayambangueño. (VMF/RSO; JMB)












