Isang training ukol sa Philippine Integrated Management of Acute Malnutrition (PIMAM) ang isinagawa para sa mga health at nutrition worker ng Bayambang, upang palakasin ang kanilang kakayahan sa pagtukoy, pamamahala, at paggamot ng mga batang may matinding malnutrisyon.
Sa pamamagitan ng nasabing training, layunin din ng aktibidad na makapag-avail na rin ang LGU ng special PhilHealth package para sa severely acute malnourished (SAM) children.
Ginanap ang pagsasanay noong Nobyembre 18–19, 2025 sa Municipal Agriculture Conference Room, Legislative Bldg., at dinaluhan ng mga piling kawani ng Rural Health Units, iba pang miyembro ng Municipal Nutrition Committee, at mga Barangay Nutrition Scholar.
Sa mensaheng ipinaabot ni Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Municipal Administrator, sa ngalan ni Mayor Nina Jose-Quiambao, nagpasalamat siya sa pakikiisa ng mga health at nutrition worker upang mapaigting ang mga health at nutrition program ng bayan.
Pinangunahan ang serye ng talakayan nina Ms. Gessa Marie N. Ramos, RND ng LGU-Alaminos para sa Outpatient Therapeutic Care; Dr. Ma. Cecilia P. Nerona para sa Inpatient Therapeutic Care; Dr. Victoria C. Caliwag ng PhilHealth ukol sa pag-avail ng Severe Acute Malnutrition (SAM) Benefit Package; at Dr. Maria Concepcion V. Estrada para sa accreditation at quality assurance ng SAM benefit providers. (RSO; MNAO)





