Grupong Katutubo Exchange, Nagbigay ng Libreng Lecture-Workshop ukol sa Katutubong Kultura

Mula sa pagkilala sa mga katutubong pagkain gaya ng balikutsa at pokpoklo ng Ilocos Norte, pagsusulat ng baybayin, paglalaro ng larong hin’nukting ng mga Ifugao, hanggang sa pagrampa ng mga etnikong kasuotan tulad ng inabel ng mga Ilocano at t’nalak ng mga T’boli, naging mayaman ang napulot na karanasan, aral, at kaalaman ng mga lumahok sa isang outreach program na hatid ng organisasyong Katutubo Exchange Philippines (KXPH) sa bayan ng Bayambang

Sa layong palalimin ang kamalayan sa kabutubong kultura at pamanang Pilipino, ang nasabing aktibidad ay pinamagatang “Pagkain, Panitikan, at Pamana: A Lecture-Workshop on Filipino Cultural Heritage,” at ito ay pinangunahan ni Dr. Edwin Antonio, isang opisyal ng National Commission on Culture and the Arts at batikang cultural worker na tubong Bayambang.

Ang seminar ay ginanap ngayong araw, Abril 10, 2026, sa Municipal Museum bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Literature Month at Filipino Food Month ngayong buwan, sa pakikipagtulungan ng Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office.

Ang libreng lecture-workshop ay dinaluhan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni MTICAO head, Dr. Rafael L. Saygo, Municipal Consultant on Culture and and Arts, Prof. Januario Cuchapin, PIO Resty S. Odon, mga guro, at mga estudyante.

Tinalakay sa programa ang kahalagahan ng pagkain, panitikan, at iba pang anyo ng pamana bilang salamin ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino, lalo na ng higit 180 na katutubong pamayanan o ethnolinguistic group sa Pilipinas.

Kalakip ng pagbibigay ng hitik sa kaalaman at interaktibong talakayan ni Dr. Antonio, na may surpresang rampahan pa ng mga katutubong kasuotan sa bandang huli, ang pagbabahagi ng adbokasiya ng KXPH na isulong at pangalagaan ang ating mga indigenous cultural heritage at traditional arts. (RSO; AG)