Isa na namang malaking hakbang ni Mayor Niña Jose-Quiambao tungo sa pagpapayabong sa sektor ng agrikultura ang naganap noong Hulyo 11, 2025, sa idinaos na groundbreaking ceremony para sa isang 145,000-bag capacity Onion Cold Storage Facility na ipapatayo sa Brgy. Amancosiling Sur.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng Department of Agriculture-Philippine Rural Development Project at World Bank bilang isang grant sa inisyatibo ni Mayor Niña na tulungan ang mga local onion farmers.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng PhP245,045,878.95.
Layunin nitong tulungan ang mga onion farmers ng Bayambang sa pag-iimbak ng kanilang mga ani upang mapanatili ang kalidad at mas mapataas ang kita at hindi na kakailanganing bumiyahe pa ng malayo.
Dito ay binigyang-diin ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, ang kahalagahan ng proyektong ito sa pagsuporta sa sektor ng agrikultura at sa pangarap ng pamahalaang lokal na maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Ipinaliwanag naman ni Engr. Anthony O. Yanes, Rural Infrastructure Specialist mula sa DA-PRDP Regional Office I, ang kabuuang overview ng proyekto, kabilang ang disenyo, implementasyon, at benepisyong makakamit ng mga magsasaka sa pagkakaroon ng lokal na cold storage facility para sa inaning sibuyas.
Dumalo sa nasabing seremonya sina Mr. June S. Pruto, President at Authorized Managing Officer ng Reftec Industrial Supply and Services, Inc., at mga kinatawan mula sa DA sa pangunguna ni Dr. John B. Pascual, Officer-in-Charge at Regional Executive Director ng Department of Agriculture–Regional Field Office I .
Mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na binasa ni Vice-Mayor Ian Camille S. Sabangan, “Tinitiyak ko sa inyo na ang proyektong ito ay simula pa lamang ng katuparan ng aking mga ipinangako nang ako ay maupo sa aking katungkulan. Patuloy tayong maghahanap ng mga paraan upang mapabuti ang inyong kalagayan, patuloy nating palalakasin ang sektor ng agrikultura, at bibigyan ng kumpiyansa at seguridad ang mga magsasaka ng Bayambang.”
Ang pagtatayo ng Bayambang Onion Cold Storage Facility ay isa na namang hakbang patungo sa pagkakapanalo ng adbokasiyang Rebolusyon Laban sa Kahirapan. (KB/RSO; JMB)
#TotalQualityService
#NiñaAroTaka












