Bilang pagpapatibay sa adbokasiya ng lokal na pamahalaan para sa mas inklusibo at gender-responsive na pamamahala, nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng Bayambang ng GAD Responsive and Integrated Planning, Budgeting, and Implementation Training Workshop para sa mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan.
Idinaos ang tatlong araw na pagsasanay noong Pebrero 23, Marso 2, at Marso 3, 2026 sa Balon Bayambang Events Center, kung saan aktibong nakibahagi ang mga department at unit head ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Naging tagapagsalita sa naturang workshop sina OIC, Municipal Planning and Development Coordinator Ricky V. Bulalakaw, Municipal Social Welfare and Development Officer Kimberly Basco, Municipal Budget Officer Marie Christine Terrado, at Municipal Accountant Flexner M. De Vera.
Layunin ng workshop na higit pang paigtingin ang kakayahan ng mga opisyal at kawani sa pagbuo ng mga plano, maayos na paglalaan ng badyet, at epektibong pagpapatupad ng mga programa at proyekto na nakaangkla sa prinsipyo ng Gender and Development (GAD).
Sa pamamagitan ng mga talakayan, workshop sessions, at hands-on planning activities, nabigyan ang mga kalahok ng mas malinaw na gabay kung paano maisasama ang gender perspective sa kani-kanilang mga programa at serbisyo.
Naging makabuluhan ang aktibong partisipasyon ng bawat tanggapan, lalo na sa pagbuo ng mga konkretong plano na naglalayong masigurong ang mga proyekto ng LGU ay tumutugon sa pangangailangan ng lahat—anuman ang kasarian at sektor.
Patunay ang matagumpay na pagsasagawa ng pagsasanay na patuloy ang dedikasyon ng LGU-Bayambang sa pagtataguyod ng pantay, makatarungan, at inklusibong serbisyo publiko para sa bawat Bayambangueño. (JLT/RSO; first photo: RobC; AG, JMB)





