‘Gender Fair Language Training,’ Idinaos para sa mga Kawani

Bilang bahagi ng pagsusulong ng inklusibong wika at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, sumabak sa isang “Gender-Fair Language Training” ang mga kawani ng munisipyo ng Bayambang ngayong araw, ika-19 ng Agosto, 2025, sa Balon Bayambang Events Center.

Ang pagsasanay ay inorganisa ng Human Resource Management Office (HRMO) upang itaas ang kamalayan at baguhin ang paggamit ng mga kawani sa mga salita at pahayag na hindi nagtatangi o nagpapahiwatig ng anumang bias batay sa kasarian.

Naging resource speaker si Jeffrey A. de Asis, Assistant Professor I mula sa Pangasinan State University (PSU) Bayambang Campus. Sa kanyang presentasyon, ibinahagi nito ang mga prinsipyo ng “gender-fair language,” mga halimbawa ng mga salitang dapat iwasan at gamitin, at ang kahalagahan ng pagiging sensitibo sa wika sa iba’t ibang konteksto.

Binigyang-diin niya ang papel ng wika sa paghubog ng pananaw at pagtataguyod ng pagkakapantay-pantay.

Mahalaga ang pagsasanay na ito sa pagtiyak na ang lahat ng komunikasyon sa loob at labas ng munisipyo ay nagpapakita ng respeto at paggalang sa lahat ng indibidwal, anuman ang kanilang kasarian.

Ani HRMO head Nora Zafra, “When our language reflects equality, our service became more just, more humane, and more powerful.”

Inaasahan na ang pagsasanay na ito ay magbubunga ng mas inklusibo at magalang na pakikitungo at pakikipag-komunikasyon ng mga nagtatrabaho sa munisipyo, kung saan ang lahat ay nararamdaman ang pagpapahalaga at paggalang. (VMF/RSO; Karl Vincent Alvarez)