Gabi ng Husay at Pagkakaisa: Barangay Night ‘26

ni Jheremy Reyes, The Reflector

Isang gabing hitik sa pagkakaisa, sigla, at aliw ang namayani sa Barangay Night ’26 na ginanap sa Municipal Plaza, kung saan nagtipon ang mga opisyales ng lahat ng 77 na barangay ng Bayambang sa isang makulay at masiglang pagdiriwang, Abril 5, 2026.

Umalingawngaw ang musika at hiyawan ng mga dumalo habang ipinamalas ang diwa ng pagkakaisa ng bayan. Tampok sa Barangay Night ang pagtatanghal ng Palaganas Symbolic Orchestra at Genn Band na lalong nagbigay-buhay sa selebrasyon.

Pinangunahan ang programa nina Municipal Mayor, Hon. Mary Clare Judith Phyllis “Niña” Jose-Quiambao, Vice-Mayor, Hon. Ian Camille Sabangan, at Liga ng mga Barangay Officer-in-Charge President, Hon. Rodelito Bautista, na siyang nag-organisa upang maging mas makulay at makabuluhan ang nasabing pagdiriwang.

Sa kaniyang mensahe, taos-pusong nagpasalamat si Mayor Niña sa iba’t ibang pinuno ng barangay, na aniya’y nagsisilbing pinakamalakas na pundasyon ng pagkakaisa ng Bayambang. “Kung walang matatag na barangay, walang matatag na Bayambang. Kayo po ang aming mga bisig at puso,” pahayag niya.

Binigyang-diin din ng alkalde na nananatiling bukas at handa ang lokal na pamahalaan sa pagtugon sa anumang hamon, lalo na sa panahon ng krisis. “Hindi kayo nag-iisa. Hindi kayo kailanman pababayaan ng ating munisipyo. Ang inyong lokal na pamahalaan ay gising at kumikilos,” dagdag niya.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, nagbigay ng pa-pyestang handog si Mayor Nina, kasama si Special Assistant to the Office of the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao, ng tig-₱5,000 cash gift sa 77 na barangay.

Nagsilbing mahalagang bahagi ng Pista’y Baley ang Barangay Night, kung saan ipinakita ang pagtutulungan, dedikasyon, at sama-samang pagsisikap ng mga Bayambangueño upang patatagin ang kanilang ugnayan bilang isang komunidad.

Nagbigay rin ng mensahe si Vice Mayor, Dr. Ian Camille Sabangan, kung saan ipinahayag niya ang kaniyang paghanga sa mga opisyal ng mga barangay. “Hindi po magiging progresibo ang ating bayan kung wala ho kayong lahat dito na nakikiisa,” aniya.

Dumalo rin sa pagdiriwang si 3rd District Congresswoman, Hon. Rachel “Baby” Arenas, na nagpahayag ng kaniyang pagbati sa matagumpay na kapistahan sa bayan ng Bayambang. Naging bahagi rin ng programa si Board Member at dating Vice Mayor, Hon. Raul Sabangan, na binigyang-diin na ang mga opisyal ng barangay ang nagbibigay-buhay sa Balon Bayambang.

Isa sa pinakamahalagang bahagi ng programa ang Ceremonial Awarding of Plaques of Appreciation para sa mga outgoing barangay officials, bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at dedikasyon bilang mga Barangay Kagawad at Punong Barangay na magtatapos ang termino ngayong taon. Ang mga Punong Barangay na pinarangalan ay sina PB John Benedict Junio ng Brgy. Alinggan, PB Rodelito F. Bautista ng Bani, PB Carlito E. Soriano ng Duera, PB Luzviminda V. Tamondong ng Sanlibo, PB Renato Soriano ng Tamaro, PB Judith E. Ramos ng Zone I, PB Gina P. Bautista ng Amanperez, PB Romeo S. Caranto ng Banaban, PB Rolando G. Manlongat ng Bongato East, PB Virgilio T. Romano ng Carungay, PB Jonathan S. Espejo ng Inirangan, PB Gerald S. Carungay ng Langiran, PB Mario G. Cariño ng Macayocayo, PB Gildo A. Madronio ng San Gabriel 2nd, PB Gloria C. Solomon ng Tanolong, PB Carlos S. Sta Teresa ng Telbang, at PB Elpidio U. Doloque ng Tococ West.

Bilang pagtatapos ng Pista’y Balëy, isang makulay na fireworks display ang isinagawa bilang simbolo ng bagong simula para sa bayan. Tunay na sa pagkakabuklod-buklod ng mga mamamayan, patuloy na mamamayagpag at uunlad ang Bayambang, isang bayang pinagbubuklod ng lakas ng bawat Bayambangueño tungo sa mas progresibong Balon Bayambang. (mga larawan nina: RobC – first 20 shots; Michael Troy, The Reflector)