Food Security, Sentro ng Talakayan sa 2Q MNC Meeting

Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang kampanya laban sa malnutrisyon at pagsulong ng food security sa isinagawang 2nd Quarter Meeting ng Municipal Nutrition Committee (MNC) ngayong araw, Hunyo 30, 2026, sa Mayor’s Conference Room.

Ang pagpupulong ay inorganisa ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) at dinaluhan ng mga miyembro ng Municipal Nutrition Committee, kabilang ang DepEd, barangay workers, at iba’t ibang kinatawan ng mga tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Pinangunahan ang pagpupulong ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, kasama sina Councilor Levinson Nessus M. Uy, Chairman ng SB Committee on Health, at Councilor Jocelyn Espejo, Chairperson ng Social Welfare Services.

Isa sa mga pangunahing tinalakay sa pulong ang potensyal ng pagpapalakas ng food security sa buong bayan sa pamamagitan ng ibayong pagpapalawak ng mga HAPAG garden sa 77 na barangay at vertical gardening o hydroponic gardening sa likod ng mga barangay hall. Binigyang-diin ng mga opisyal ang pangangailangang tiyakin na ang bawat pamilyang nangangailangan ay may sapat na access sa masustansiya at ligtas na pagkain bilang bahagi ng layunin ng lokal na pamahalaan na mabawasan ang kaso ng malnutrisyon.

Sa pagpupulong ay tinalakay rin ang mga nagawa ng iba’t ibang miyembro ng MNC para sa unang quarter ng 2026, kabilang ang mga nutrition-related programs at mga planong ipatutupad sa mga susunod na buwan. Nagbigay din ng mga update hinggil sa Operation Timbang Plus at iba pang mga lokal na programa sa ilalim ng Municipal Nutrition Action Plan (MNAP) 2026.

Sa pamamagitan ng aktibong koordinasyon at suporta ng lokal na pamahalaan, patuloy na isinusulong ang mga programang naglalayong mapabuti ang kalusugan, at seguridad sa pagkain ng bawat pamilyang Bayambangueño. (VMF/RSO; JMB)