Fogging Operations, Isinagawa sa Sapang

Matapos maitala ang ilang kaso ng dengue sa Brgy. Sapang, agad na umaksyon ang Rural Health Unit team upang ipaalam sa mga residente doon ang mga dapat na gawin upang maiwasan ang naturang sakit sa pamamagitan ng information-education campaign noong November 29. Kanilang ipinaliwanag ang importansya ng kalinisan ng bakuran sa bawat kabahayan at maging ang mga dapat gawin kung sakaling makitaan ng sintomas ang kanilang sarili o kapamilya.

Paboritong pamugaran ng Aedes aegypti na lamok ang mga nakapondong malinaw na tubig tulad ng nasa plorera, gulong, timba, drum, alulod, at kawayan.

Agad ding nagsagawa ng fogging operations ang grupo sa lugar kung saan naitala ang mga kaso.

Ipinaaalam ng RHU sa publiko na ang fogging ay hindi lamang ginagamit upang maitaboy ang mga mapaminsalang insekto kundi para ang mga ito’y tuluyang puksain.

Inaabisuhan din ang lahat na gumamit ng mga insect repellant nang maiwasang makagat ng mga insektong posibleng may dalang virus o nagdudulot ng allergy o iba pang malalang sakit. (Sheina Mae U. Gravidez/RSO)