Nagsagawa ang Bureau of Fire Protection (BFP) Bayambang Fire Station ng isang serye ng fire safety inspection at fire safety lecture sa iba’t ibang lugar sa bayan bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kaligtasan laban sa sunog ngayong linggo.
Kabilang sa mga barangay na binisita para sa fire safety inspection at lecture ang Pangdel Elementary School, Hermosa ES, Manambong Parte ES, Manambong Sur ES, at Ataynan ES.
Layunin ng mga aktibidad na ito na masiguro ang pagsunod sa mga alituntunin sa fire safety at mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral hinggil sa wastong pag-iwas at pagtugon sa sunog.
Samantala, nagsagawa rin ng hiwalay na fire safety lecture ang BFP Bayambang sa Pangasinan State University (PSU), Bayambang Campus Integrated School, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng kahandaan, tamang paggamit ng fire extinguishers, at ang mga dapat gawin sakaling magkaroon ng sunog.
Ayon sa BFP Bayambang, patuloy nilang paiigtingin ang ganitong mga programa upang mapanatiling ligtas ang komunidad at maiwasan ang insidente ng sunog sa bayan. (RSO; BFP)





