Isinagawa ngayong araw, Pebrero 4, 2026 ang isang mahalagang pulong sa Mayor’s Conference Room ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang kaugnay ng pagpapalakas ng mga patnubay sa pananalapi ng mga samahan ng senior citizens. Dinaluhan ito ng Board of Directors ng Senior Citizens Association, lahat ng opisyal ng Office of Senior Citizen Affairs at Federation of Senior Citizen Associations of Bayambang, gayundin ng Internal Audit Service.
Layunin ng pulong na linawin at pagtibayin ang mga patakaran hinggil sa koleksyon ng kontribusyon ng mga miyembro, upang matiyak na ang lahat ng pondong nalilikom ay maayos na pinamamahalaan, malinaw na naitatala, at lubos na nauunawaan ng parehong mga opisyal at kasapi ng samahan.
Tinalakay rin ang pangangailangang magkaroon ng iisang pamantayan sa digitalization ng dokumentasyon at pag-uulat ng pondo upang maiwasan ang kalituhan at mapalakas ang pananagutan.
Nagbigay naman ng teknikal na gabay ang Internal Audit Service, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa umiiral na mga tuntunin, regulasyon, at tamang pamamahala sa pananalapi. Ipinahayag na ang mga panukalang patakaran ay dapat nakaangkla sa prinsipyo ng transparency, accountability, at mabuting pamamahala.
Ang nasabing pulong ay pinangunahan sa ilalim ng pangangasiwa ni Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, bilang bahagi ng patuloy na inisyatiba ng LGU-Bayambang na palakasin ang mga institusyong naglilingkod sa sektor ng senior citizens at tiyaking napapangalagaan ang kanilang kapakanan.
Sa kabuuan, inaasahang magsisilbing gabay ang mga napagkasunduang hakbang upang higit na mapagtibay ang tiwala, kaayusan, at maayos na operasyon ng mga samahan ng senior citizens sa bayan ng Bayambang. (Precious Jewel Espejo, Ralph Jian Samson, Trixie Noreen Quidon/RSO; JMB, FLAS)





