Isang Exit Conference ang idinaos ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng isinagawang pagsusuri sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) compliance at pag-audit sa implementasyon ng Philippine Rural Development Project (PRDP) ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang.
Ayon kay Municipal Accountant Flexner de Vera, ang naturang pulong ay bahagi ng regular na proseso ng COA upang ilahad ang mga paunang obserbasyon, rekomendasyon, at resulta ng audit sa mga kinauukulang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Tinalakay sa conference ang antas ng pagsunod ng LGU sa mga itinakdang patakaran at alituntunin sa paggamit ng pondo para sa disaster preparedness at mga proyektong pangkaunlaran sa ilalim ng PRDP.
Bagamat hindi pa kabilang dito ang general fund o financial audit ng LGU, binigyang-diin na kasinghalaga rin ang nasabing pagsusuri upang matiyak ang maayos, episyente, at transparent na paggamit ng pondo ng bayan.
Inaasahan na magsisilbing gabay ang mga rekomendasyon ng COA upang higit pang mapahusay ang implementasyon ng mga programa at serbisyo para sa mamamayan ng Bayambang.
Ang LGU ay pinangunahan ni Mayor Niña Jose-Quiambao kasama ang mga concerned department heads sa ilalim ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad: Municipal Accountant, Treasurer, Budget Officer, Engineer, Planning and Development Officer, Bids and Awards Committee Chairman/Secretariat, at Disaster Risk Reduction and Management Officer. (RSO; RobC)




