Muling kinilala ang husay at patuloy na dedikasyon ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa larangan ng pangangalaga sa kalikasan matapos itong gawaran ng Excellence in Solid Waste Management Implementation Award (LGU Level) sa idinaos na 10th Region 1 Ecological Solid Waste Management Summit ng DENR-Environment Management Bureau Region I noong Pebrero 4, 2026 sa San Carlos City, Pangasinan.
Dinaluhan ang nasabing summit ng lahat ng mga lungsod at bayan sa Rehiyon I bilang bahagi ng taunang pagtitipon na naglalayong suriin at kilalanin ang mga epektibong programa at inobasyon ng mga lokal na pamahalaan sa solid waste management. sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, tinanggap ang parangal ni MENRO Ma-Lene S. Torio.
Ito na ang ikatlong kasunod na taon na pagkilala sa LGU-Bayambang, matapos ring makamit ang parehong parangal noong mga taong 2024 at 2025. Patunay ito ng matatag at tuluy-tuloy na commitment ng DENR at ng Environmental Solid Waste Management Office (ESWMO) ng LGU-Bayambang sa mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na pambansang batas at mga ordinansa ng bayan hinggil sa environmental protection at wastong pangangasiwa ng basura.
Sa patuloy na pagkilalang ito, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang ang adbokasiya nito tungo sa isang malinis, ligtas, at sustenableng komunidad para sa kasalukuyan at sa mga susunod pang henerasyon. (RSO; ESWMO)



