Nagsagawa ng random spotchecking ang Energy Conservation Team ng LGU-Bayambang sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang bayan at sa mga street light sa Public Market area upang matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente.
Layunin ng inisyatibong ito na masiguro na nasusunod ng bawat opisina ang mga umiiral na energy conservation measures, lalo na sa gitna ng banta ng posibleng energy crisis.
Sa pamamagitan ng mga inspeksyong ito sa pangunguna ni Energy Conservation Officer, Engr. Rudyfer Macaranas, pinaaalalahanan ang mga kawani at opisyal ng LGU na patuloy na maging responsable sa paggamit ng kuryente, tulad ng pagpatay ng ilaw at mga kagamitang elektrikal kapag hindi ginagamit.
Ayon sa Energy Conservation Team, mahalagang mapanatili ang disiplina sa paggamit ng enerhiya upang makatulong sa pagbawas ng konsumo ng kuryente ng pamahalaang bayan at makapag-ambag sa pangkalahatang kampanya para sa mas matipid at responsableng paggamit ng enerhiya.
Patuloy namang hinihikayat ng LGU Bayambang ang lahat ng tanggapan at maging ang mga mamamayan na makiisa sa mga programang nagtataguyod ng energy efficiency at conservation, bilang paghahanda at pag-iingat sa posibleng kakulangan sa suplay ng enerhiya. (RSO; EEC)






