Muling nagpulong ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ukol sa energy conservation measures at recalibration strategies noong Enero 6, 2026 sa Mayor’s Conference Room, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na isulong ang episyente at responsableng paggamit ng enerhiya sa lahat ng tanggapan.
Dumalo sa nasabing pagpupulong sina Engr. Bernadette D. Mangande, Municipal Engineer; Ms. Chinita S. De Vera, Head ng General Services Office (GSO); Engr. Rudyfer Macaranas, Energy Efficiency and Conservation Officer ng LGU; gayundin ang lahat ng Energy Efficiency and Conservation Officers (EECO) ng munisipalidad.
Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang mga gawi sa paggamit ng enerhiya, mga hamong kinakaharap ng bawat tanggapan, at ang pagbabalangkas ng mga praktikal at cost-effective na hakbang upang higit pang mapababa ang konsumo ng kuryente sa mga opisina ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pulong na ito, muling pinagtibay ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang pangako nito sa pagsusulong ng energy efficiency at conservation bilang mahalagang bahagi ng matipid, responsable, at sustenableng pamamahala sa bayan. (JLT/RSO; JMB)




