DSWD-R1, Bumisita at Nag-monitor sa mga CDC at MNAO

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office I ay bumisita at nagmonitor sa Bayambang, kaugnay ng katatapos na CY 2025 Supplementary Feeding Program (SFP).

Ang aktibidad ay isinagawa sa pagitan ng Nobyembre 17 at Disyembre 12, 2025 bilang bahagi ng ika-15 siklo ng SFP at bilang pagsunod sa layunin na makakalap ng feedback mula sa mga benepisyaryo, mag-verify ng datos, at suriin ang kalagayang nutrisyonal ng mga batang pinaglilingkuran.

Ayon sa ulat, personal na nagtungo ang DSWD team sa ilang piling Child Development Centers (CDC) ng munisipalidad, kabilang ang Municipal CDC, Zone I CDC, at Manambong Parte CDC.

Bukod pa sa mga CDC, pinuntahan din ng DSWD ang Municipal Nutrition Action Office (MNO), upang talakayin at pag-aralan ang mga best practices o mahuhusay na pamamaraan na ginagamit ng MNAO-Bayambang sa pagpapatupad ng kanilang mga feeding program.

Bilang karagdagan sa monitoring, isinagawa rin ang isang Nutrition Education session para sa mga magulang ng mga napiling CDC. (RSO; MSWDO)