Bilang patunay ng patuloy na suporta ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa mga programang nagpapalakas ng kahandaan ng pamahalaan sa panahon ng sakuna, isinagawa ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) sa pangunguna ni LDRRM Officer Genevieve N. Uy ang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Course for Public Sector sa Balon Bayambang Events Center mula Hulyo 22 hanggang 24, 2026.
Dinaluhan ng mga kawani ng munisipyo, mga opisyal ng barangay, at mga punong-guro ng iba’t ibang paaralan ang tatlong araw na pagsasanay na naglalayong palakasin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa paghahanda, pagtugon, at pagbangon mula sa mga sakuna. Hinati sa ilang batch ang mga kalahok mula sa 77 barangay upang matiyak na bawat isa ay mabibigyan ng sapat na oras at atensyon sa pagsasanay.
Sa kanyang inspirational message, binigyang-diin ni Mayor Niña ang kahalagahan ng patuloy na pagsasanay at pakikiisa ng bawat lingkod-bayan sa pagpapanatili ng isang ligtas at handang Bayambang.
Binuksan ang programa sa pamamagitan ng welcome remarks ni Sangguniang Bayan Committee Chairman on DRRM, Councilor Raymund Camacho. Naging resource speakers naman sina Ms. Virgie T. Pablo ng Office of Civil Defense Region I, Ms. Vilma Vecino ng DENR-MGB, Mr. Gregorio de Vera II ng DOST-PAGASA, mga kinatawan ng Red Cross San Carlos Chapter, BFP Bayambang, at Pangasinan 3rd District Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit.
Dumalo rin bilang isa sa mga trainees si Councilor Rhyan de Vera.
Sa pamamagitan ng patuloy na suporta ng pamahalaang bayan at sa pangunguna ng LDRRMO, inaasahang higit pang mapalalakas ang kakayahan ng mga lingkod-bayan sa epektibong pagharap sa iba’t ibang panganib at sakuna. (RSO/SMGC; AG)











