DOH, Nagbigay ng Orientation para sa Nutrition Support Group ng Bayambang

Ang Department of Health ay nagbigay ng isang Nutrition Support Group Orientation noong  October 1, 2024, sa Pavilion I ng St. Vincent Ferrer Prayer Park sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Nutrition Office.

Bilang kinatawan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ipinaliwanag ni Municipal Nutritionist Venus Bueno na ang aktibidad na ito ay isang funding grant mula sa Department of Health (DOH) na kailangang gamitin para sa mga meeting, training, o capacity-building, at pati health and nutrition-related commodities para sa Nutrition Support Group ng LGU.

Naroon naman si Vice-Mayor Ian Camille Sabangan upang magbigay ng mensahe sa mga dumalo na kinabibilangan ng mga kapitan, Barangay Kagawad on health, Barangay Health Workers’ (BHW) President, at Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa Bayambang.

Naging resource speaker sa orientation sina Nutritionist-Dietician Jovita Leny S. Calaguas, Joan A. Villanueva ng Provincial Health Office, RHU I Nurse Kenneth Gangano, Municipal Planning and Development Coordinator Ma-kene S. Torio, at OIC Accountant on Barangay Affairs Elsie C. Dulay.

Kanilang isa-isang tinalakay ang mga sumusnod na paksa: Nutrition Support Guidelines (NSG), health activities and services of RHUs sa Bayambang, at school-based immunization, ang mga nakasaad sa NSG 2024 Executive Order at NSG Activities 2024, Barangay Nutrition Budget Planning, Nutrition Budget Utilization, at ang Municipal Ordinance No. 2 s. 2020, na naglalayong mapabuti ang kalusugan ng bawat Bayambangueño at magamit nang maayos ang lahat ng nutrition budget bago matapos ang taong 2024. 

Tiningnan ang budget appropriations ng mga barangay at utilization rate ng pondong inilaan para sa kani-kanilang mga Barangay Nutrition Action Plans. Inabisuhan din sila na gamitin ang lahat ng kanilang nutrition budget bago matapos ang taon, at mas palakihin pa ang kanilang pondo para sa nutrisyon para sa taong 2025 upang tunay na maabot ang adhikaing “Nutrisyong Sapat para sa Lahat” ng National Nutrition Council.

Inabisuhan din ang mga barangay na magplano ng naayon sa pangangailangan, at kapag nagpaplano ay dapat kasama ang mga BNS, BHWs, lahat ng miyembro ng Barangay Nutrition Committee, at pati na rin ang lahat ng miyembro ng Nutrition Support Group. (nina Vernaliza M. Ferrer, Patrick Salas / RSO; larawan ni: JMB).