Diskusyong Legal Ukol sa Lupaing Sakop ng mga Paaralan, Isinagawa

Isang diskusyong legal ang isinagawa ng Municipal Legal Office hinggil sa pagpaparehistro ng mga lupaing ginagamit bilang mga pampublikong paaralan.

Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa Bayambang noong Nobyembre 19, 2025, sa Balon Bayambang Events Center, sa pangunguna nina DepEd Bayambang District I at II PSDS, Dr. Longino Ferrer at Dr. Candra Penoliar.

Sa pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na proseso sa pagpaparehistro ng lupa para sa mga paaralan.

Ipinaliwanag ni Municipal Legal Officer, Atty. Bayani B. Brilliante Jr., ang mga legal na basehan, mga kinakailangan, at ang buong proseso ng pagpaparehistro.

Ang diskusyon ay nagbigay-linaw at gabay sa mga guro at mga opisyal ng paaralan upang matiyak na ang mga lupaing ginagamit ng kanilang mga paaralan ay rehistrado at protektado sa legal na pamamaraan, at sa pamamagitan nito, mas mapapangalagaan ang interes ng mga paaralan at mag-aaral sa Bayambang.

Ang inisyatibong ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagtiyak sa legalidad at seguridad ng kanilang mga ari-arian. (VMF/RSO; JMB)