DILG R-1 Assessment Team, Dumating para sa SGLG

Nagtungo ang mga validator mula sa Department of the Interior and Local Government Region 1 (DILG-R1) sa Bayambang noong ika-27 ng Mayo para magsagawa ng validation para sa Seal of Good Local Governance (SGLG).

Pinangunahan ni LGOO VII Hermogenes L. Soriano Jr. ang Regional Assessment Team bilang Team Leader, kasama sina LGOO II Liana M. Lalata at CSO Representative, National Chaplain of the Philippines – Lingayen Chapter Wilfredo M. Mallavo.

Sa welcome ceremony sa Mayor’s Conference Room, naroon ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at lahat ng mga department at unit head ng LGU pati na ang mga locally based national agency head.

Sa paggabay ni Bayambang MLGOO Editha Soriano, isa-isang sinuri ang mga kinakailangang dokumento ng bawat departamento at ahensya ayon sa sampung aspeto ng lokal na pamamahala, kabilang ang Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Health Compliance and Responsiveness; Social Protection and Sensitivity; Youth Development; Safety, Protection, and Order; Business Friendliness and Competitiveness; Sustainable Education; Environmental Management; at Tourism, Heritage Development, Culture, and Arts.

Kinahapunan ay nag-ikot ang mga validator sa Municipal Hall, Events Center, MRF, MDRRMO Satellite Office – Wawa Evacuation Center, Annex Bldg., RHU I, MDRRMO Operations Center, at Public Plaza.

Pagkatapos ng evaluation ay nagkaroon naman ng exit conference kung saan ibinahagi ng assessment team ang mga resulta ng isinagawang validation. Gayundin ay pinuri ng mga validator ang LGU-Bayambang sa dami ng proyekto at programa nito upang pagsilbihan ang bawat Bayambangueño. (Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO; Ace Gloria)