DILG National Validator, Humanga sa “Passionate Leadership” ng LGU Heads

“Ang sarap makipag-usap sa mga empleyadong passionate sa kanilang mga trabaho!” pambungad na mensahe ng lead validator ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si LGOO VI Marda Alina R. Dumaoang-Acoba ng DILG-NCR, sa kanyang pagbisita sa Bayambang upang mag-assess para sa Seal of Good Local Governance (SGLG) para sa taong ito noong September 29.

Aniya, damang-dama niya na “passionate” sa kani-kanilang tungkulin ang mga nakasalamuhang department at unit heads ng LGU at mga pinuno ng mga line agencies habang iniinspeksyon ang kani-kanilang “output” kasabay ng mga “outcome” ng kani-kanilang mga naging accomplishment.

Kasama ni Domaoang sina DILG Program Manager Calvin Noluis Lubrin; Cluster Leader, LGOO VII Melinda M. Buada; at Cluster Staff, LGOO II Alvin Rosario.

Ang mga bisita ay sinalubong ng mga pinuno ng LGU sa pangunguna ni Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at iba pang Sangguniang Bayan Members; Municipal Administrator, Atty.

Rodelynn Rajini S. Vidad; at Bayambang MLGOO Johanna Montoya.

Sa kanyang inspirasyunal na mensahe na inihatid si Vice-Mayor Sabangan, binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang mga naging malalaking progreso ng Bayambang sa iba’t-ibang sektor na nagpapatunay aniya ng magandang halimbawa ng mabuting pamamahala (good governance) saanman.

Sa unang pagkakataon, bumisita rin si DILG R1 Regional Director Jonathan Paul M. Leusen Jr. upang batiin ang bayan ng Bayambang.

Pagkatapos ng programa, pormal nang sinimulan ang site/ocular inspection sa sampung areas under evaluation na agad namang sinundan ng document review/validation sa Events Center. Kabilang sa kanilang ininspeksyon ang Early Warning System Top 1 Hazard sa Brgy. Amancosiling Sur at Poblacion Sur, Material Recovery Facility sa Brgy. Telbang, Barangay VAWC Desk ng Brgy. Sancagulis, Full Disclosure Board sa Municipal Plaza, Citizen’s Charter sa Business One Stop Shop, Tourism Desk sa Municipal Museum at St. Vincent Ferrer Prayer Park, Operational Center at Evacuation Center sa Brgy. Wawa, at Teen Center sa Balon Bayambang Events Center.

Ngayong taon, ang 10 areas of governance na kailangang ipasa lahat ng isang LGU ay ang mga sumusunod: Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Social Protection and Sensitivity; Health Compliance and Responsiveness; Sustainable Education; Business Friendliness and Competitiveness; Safety, Peace and Order; Environmental Management; Tourism, Heritage Development, Culture, and Arts; at Youth Development.