ni Jessica Rain Castillo
Kinoronahan ang 19 taong gulang na dilag na si Chelsea Oranza mula Brgy. Macayocayo bilang Binibining Bayambang 2026, sa idinaos na glamorosong paligsahan noong gabi ng Marso 29 sa Balon Bayambang Events Center (BBEC) bilang bahagi ng Pista’y Balëy 2026.
Ang entablado, na may mala-panaginip na disenyo, ay nagsilbing lunan ng isang gabing hindi lamang sumasalamin sa kagandahan, kundi sa mga pangarap na hinubog at isinabuhay ng mga kandidata.
Matapos ang isang gabi ng husay, talino, at damdamin, labinlimang kandidata ang nagtagisan sa entablado, at bawat isa ay nagpakita ng kani-kaniyang adhikain sa pamamagitan ng mga pagtatanghal.
Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang isang tanong na gumabay sa kabuuan ng gabi: “What is the distance between dreams and reality?” Ang tanong na ito ay naglatag ng mas malalim na lente sa paglalakbay ng bawat kandidata patungo sa kanilang mga pangarap.
Sa iba’t ibang yugto ng kumpetisyon, ipinamalas ng mga kalahok na ang pagiging binibini ay higit pa sa panlabas na anyo, kundi nakaugat sa tinig na may paninindigan, sa kaisipang may layunin, at sa pusong handang maglingkod sa komunidad.
Isa sa pinakatampok na bahagi ng kumpetisyon ang final question para sa Top 5 candidates: “Imagine meeting another woman who is on the verge of giving up her hopes and dreams. What advice would you give her?” Sa sandaling ito, lumitaw ang lalim ng kanilang personal na karanasan, ang tibay ng kanilang katatagan, at ang lawak ng kanilang pananaw sa buhay.
Sa kaniyang sagot, ibinahagi ni Chelsea Oranza ang kaniyang sariling karanasan ng pagdududa at pagkapagod: “I, myself, have been really doubtful and I already experienced that moment where I wanted to give up. But then, something reminded me that there’s a purpose that I should be fulfilling. That I am existing in this world because I should be an inspiration to everyone.”
Dagdag pa niya, “After all, we are all living a different life and we’re all living a different dream. It is up to us if we’re going to continue that life…”
Ang kaniyang sagot ay umikot sa ideya ng pagpapatuloy—na sa gitna ng pagod at pagdududa, may pagpipiliang bumangon at ipagpatuloy ang sariling landas.
Kinilala rin ang iba pang nagwagi sa gabi:
1st Runner-Up – Mariz Angela Jimenea (Bani)
2nd Runner-Up – Jelie Abcd Benitez (Nalsian Sur)
Iginawad din ang espesyal na parangal sa mga natatanging kandidata:
Binibining Bayambang Charity – Lorainne May Iglesias (Zone III)
Binibining Bayambang Tourism – Marianne Lumibao (Paragos)
Sa huli, ang entablado ay hindi nagtapos sa isang koronasyon lamang. Ito ay nag-iwan ng bakas ng mga pangarap na ginising, ng mga pusong pinatibay ng laban, at ng mga tinig na patuloy na hahanapin ang kanilang layunin kahit tuluyan nang humupa ang ilaw at palakpakan.
Sa Binibining Bayambang, ang pangarap ay hindi nananatili sa panaginip, kundi nagiging reyalidad sa mga Bayambangueña na patuloy na nangangarap at naglilingkod sa bayan. (photos: Nathan Scott, Kate Celario, Lara Apolonio)




