Itinanghal si Mohammad Faten Sharan ng Brgy. Malimpec bilang Binibining Bayambang 2025, sa ginanap na paligsahan ng kagandahan, talino, at adbokasiya sa Bayambang Events Center noong gabi ng Abril 3, 2025.
Sa kanyang ganda, talino, at dedikasyon, pinatunayan niyang siya nga ang karapat-dapat na tanghalin bilang Binibining Bayambang 2025.
Isa sa mga pinakahihintay ng mga Bayambangueño, ang Binibining Bayambang ay tampok sa taunang selebrasyon ng Pista’y Baley.
Sa mainit na suporta ni Mayor Niña Jose-Quiambao, walang ginastos ni isang piso ang mga kandidata, kaya naman nakapokus ang patimpalak sa pagpapamalas ng kanilang husay, talento, at adbokasiya.
Ipinakita ni Sharan ang kanyang galing mula sa swimwear, evening gown, at question and answer portion, kung saan isa siya sa mga nangunang kandidata.
Sa edad na 16, hindi lamang niya naiuwi ang korona, kundi ang iba’t ibang espesyal na parangal tulad ng Ms. Red Cross, Ms. Richstar, at Ms. JKQWMC.
Sa kabilang banda, kinoronahan si Krish Jewel Reyes ng Magsaysay bilang Bb. Bayambang Tourism habang tinanghal naman si Mechaela Ergueza Aquino ng Brgy. Tamaro bilang Bb. Bayambang Charity. Kapwa nilang ibinahagi ang entablado kay Sharan. Si Krish din ay nakasungkit ng maraming parangal tulad ng Darling of the Press, Ms. Akai, Ms. Marbau, Ms. Claire Beauty, Best in Swimsuit, at Best in Long Gown. Kasama nila sina Kate Wynzel bilang first runner-up at Arvi Hazel bilang second runner-up, na siya ring nagwagi ng titulong Ms. Congeniality.
Ilan pang parangal ang naiuwi ay ang People’s Choice Award at Ms. Maria Yza Nails na napanalunan ni Janna Louise Galsim Ajon ng Brgy. Bongato East, Ms. Photogenic na iginawad kay Glaiza Granadino ng Brgy. Hermoza, at Ms. Royal Mall na napanalunan ni Jaimea Jane Bate Gallardo ng Brgy. Reynado. Ang mga titulong Ms. Royal Mall, Ms. AILC, at Ms. Centro Verde ay naiuwi nina Jaimea Jane, Jhaezukie Jade Casimero ng Brgy. Bical Norte, at Nichole Ramos Beltran ng Brgy. Manambong Sur. Samantala, naiuwi naman ni Alexandrea Nicole Taeo Cabais ng Brgy. Bongato West ang Best in Creative Costume.
Nagbigay-kilig din sa gabi ng koronasyon ang celebrity heartthrob na si Kyle Echarri, na naghandog ng isang matamis na awitin para sa 22 kandidata.
Binuo ng mga kilalang personalidad ang mga selection committee, na kinabilangan nina Claire Beauty director Vince Chincuanco, entrepreneur David Ace Nava, Binibining Pilipinas Grand International 2016 Nicole Cordoves, GMA artist Wendell Ramos, at Congresswoman Rachel ‘Baby’ Arenas.
Sa pagkapanalo ni Sharan, isang na namang panibagong henerasyon ng mga binibining may layunin ang magsisimula sa Bayambang.
Higit pa sa korona, magiging inspirasyon din ito upang maitaguyod ang mapag-arugang paninilbihan sa bayan sa tulong ng kagandahan.
Isinulat ni: Djonna Catrise V. Bato, at Ma. Sophia Clarisse L. Teaño
Mga larawan nina: Rob Cayabyab (Mayor Niña Jose-Quiambao FB page), King James Patricio, Ronier Ives Palisoc, Prince Charles Medel, Francklin Gomez, at Raxle Mangande
Iniwasto ni: G. Frank Brian S. Ferrer / Gng. Mary Jane F. Manzano