Isang Dental Talk at Feeding Program ang isinagawa kahapon, Pebrero 6, 2026, sa Don Teofilo C. Mataban Memorial School (DTCMMS) sa Brgy. Ligue, sa inisyatibo ng Pangasinan Brotherhood, USA, Inc. (PBUSA) at Bayambang Association of Southern California (BASC), katuwang ang Julius K. Quiambao Medical and Wellness Center, Inc. (JKQMWCI) at sa pakikipag-ugnayan kay Mayor Nina Jose-Quiambao at sa Pamahalaang Bayan ng Bayambang.
Tampok sa programa ang Dental Health Lecture na pinangunahan ni Dr. Beah Bautista, Head Dentist ng JKQMWCI, kung saan tinalakay ang wastong pangangalaga sa ngipin, kahalagahan ng regular na dental check-up, at mga paraan ng pag-iwas sa sakit sa bibig. Lalong naging masigla ang talakayan sa pamamagitan ng mga interaktibong tanong at gawain, na sinabayan ng pamimigay ng papremyo upang mas madaling maunawaan at matandaan ng mga bata ang mahahalagang aral.
Ipinamalas ng aktibidad ang paninindigan ng JKQMWC na ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa komunidad, lampas sa loob ng ospital—sa pamamagitan ng pagsulong ng kamalayan sa kalusugan, preventive care, at mas inklusibong access sa serbisyong medikal.
Sa tulong ng PBUSA, nabigyan ang lahat ng mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6 ng libreng pagkain at dental kits na donasyon ng kanilang komunidad sa Estados Unidos, gayundin ng masustansiyang food products mula sa Nutridense Food Manufacturing Corp.
Nagkaloob din ang mga dentista ng JKQMWC ng dental screening at fluoride application bilang bahagi ng maagang pagsusuri at pangangalaga sa kalusugan ng ngipin ng mga mag-aaral.
Binuksan ang programa ni PBUSA President Sue Ann E. Tumakay sa pamamagitan ng pagbati at pagkilala sa mga katuwang sa proyekto, kasama si PBUSA Executive Vice-President at BASC BOD Member Josephine Carayugan Khoo.
Sumunod ang mensaheng pampasigla ni JKQMWCI Hospital Administrator, Atty. Arnel C. Glorioso, at taos-pusong pasasalamat ni JKQMWCI CEO at President, Dr. Estrella Q. Glorioso, sa PBUSA, BASC, LGU-Bayambang, at sa komunidad ng paaralan sa kanilang pakikiisa.
Naghatid ng mensaheng nagbibigay-kaalaman si Hon. Raymund Camacho, Konsehal ng Bayan ng Bayambang, sa ngalan ni Oscar Camacho, Business Manager ng PBUSA at sa ngalan ng BASC.
Nagpaabot din siyempre ng pasasalamat si DTCMMS OIC School Head, Dr. Ela B. Macaraeg, sa lahat ng nagmagandang-loob na maghatid ng tulong pangmedikal.
Samantala, sa isang maikling talakayan, ipinakita naman ni Nutridense Food Manufacturing Corp. President Racky D. Doctor ang mga health food product ng kanilang kumpanya at ipinaliwanag ang mga benepisyo nito sa kalusugan ng mga bata.
Sa huli ay nagpahayag ng pasasalamat ang PBUSA sa LGU-Bayambang sa pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao at sa Nutridense sa kanilang mahalagang suporta at donasyon.
Kinilala rin ang 1st Regional Community Defense Group (RESCOM), Philippine Army, sa pagsisilbi bilang event marshals at pagtiyak ng kaayusan at kaligtasan ng lahat ng kalahok.
Nagpasalamat din ang lahat kay Dr. Cezar T. Quiambao, Chairman, sa kanyang patuloy na paggabay at dedikasyon sa community-centered healthcare.
Sa sama-samang pagkilos, patuloy na pinapangalagaan ang masusog na ngiti, hinuhubog ang kinabukasan ng kabataan, at pinatitibay ang ugnayan ng komunidad—isang makabuluhang hakbang sa bawat pagkakataon. (MADL/RSO; MADL)






