DENR-MGB, Iprinisenta ang Pinakabagong Vulnerability and Risk Assessment sa 77 Barangays ng Bayambang

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng disaster preparedness at resilience sa bayan, matagumpay na isinagawa ng DENR – Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang isang Exit Conference and Presentation of Vulnerability and Risk Assessment (VRA) at Updated Susceptibility Maps nitong Agosto 5, 2026 sa Balon Bayambang Events Center.

Ang naturang aktibidad ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Municipal Planning and Development Office (MPDO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at DILG-Bayambang.

Dinaluhan ang pagpupulong ng 77 Punong Barangay kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng LGU-Bayambang.

Layunin nitong opisyal na ipresenta ang updated 1:10,000-scale Rain-Induced Landslide at Flood Susceptibility Maps para sa buong munisipalidad.

Sa ginanap na kumperensya, iniharap ng MGB ang pinakabagong VRA na naglalaman ng detalyadong datos tungkol sa mga natural hazard, exposure levels, at mga high-risk area sa bawat barangay.

Sa tulong ng mga bagong datos na ito, magkakaroon ang mga lokal na opisyal ng mas tumpak at siyentipikong batayan sa:

– pagpaplano ng mga proyektong pangkagalingan

– pag-update ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management (BDRRM) Plans

– pagpapatupad ng mga programang magpapalakas sa kahandaan ng komunidad laban sa mga sakuna

Sa pamamagitan ng mga gawaing nakabatay sa agham at tamang impormasyon, mas mapapatatag ang layunin ng pamahalaang lokal na makabuo ng isang mas ligtas, resilient, at laging handang Bayambang sa harap ng anumang kalamidad. (RGDS/RSO; AG)