Ang Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Region I ay nagdaos ng isang pampublikong pagdinig sa bayan ng Bayambang bilang bahagi ng pagsusuri ng Environmental Impact Statement (EIS) para sa Bayambang Pump Irrigation Project (BPIP).
Layunin nitong malaman ang opinyon at saloobin ng publiko tungkol sa implementasyon ng naturang proyekto upang masiguro ang responsableng pangangasiwa sa kapaligiran sa likod ng kagustuhan isulong ang modernong imprastrukturang pang-agrikultura sa mga lokal na pagsasaka.
Tinalakay sa nasabing public hearing ang mga detalye ng proyekto, kabilang na ang sakop na 2,789 ektarya ng agricultural land sa may 21 na farming barangays ng Bayambang: Amancosiling Norte, Amancosiling Sur, Wawa, Buayaen, Dusoc, Sancagulis, Bical Norte, Bical Sur, Tatarac, Apalen, Pangdel, Inanlorenza, Tanolong, Asin, Ligue, Tococ West, Duera, Sapang, Banaban, Alinggan, Amanperez.
Ang proyekto ay isang irrigation distribution system na ipatutupad ng National Irrigation Administration (NIA) Regional Office 1, bilang tugon sa pangangailangan ng mga lokal na magsasaka para sa sapat at maayos na patubig.
Ginanap ang public hearing noong Hunyo 19, 2025 sa Balon Bayambang Events Center. (RGDS/RSO; JMB)