Sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, agad na umaksyon ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang upang matulungan ang isang 22-anyos na Bangladeshi national na si Rakibul Islam na makauwi sa kaniyang bansa matapos mabiktima ng ilegal na recruitment.
Mahigpit na nakipag-ugnayan ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Calasiao upang matiyak ang maayos na pagproseso ng kanyang kaso. Sa tulong at suporta ng LGU, kabilang ang pagbibigay ng transportasyon at gasolina, matagumpay na naihatid si Rakibul Islam sa Embahada ng Bangladesh sa Makati ngayong araw, April 30, 2026, para sa karagdagang tulong at sa kanyang repatriation.
Ayon sa ulat, niloko si Islam ng kapwa niya Bangladeshi na nangakong magkakaroon siya ng trabaho sa Pilipinas na may sahod na aabot sa PHP 100,000 hanggang PHP 130,000 kada buwan. Subalit pagdating niya sa Bayambang ay wala siyang natagpuang trabaho. Sa halip, kinuha umano ng kanyang recruiter ang kanyang pasaporte at natitirang pera bago ito tuluyang naglaho.
Dahil dito, napilitan si Islam na humingi ng tulong sa mga kinauukulan. Agad namang umaksyon ang mga opisyal ng Barangay Zone I at inendorso ang kanyang kaso sa Public Employment Service Office (PESO). Nagbigay rin ng agarang tulong ang LGU upang matugunan ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, at sinamahan siya sa Philippine National Police (PNP) upang makapagsampa ng blotter report laban sa nang-scam sa kanya.
Bukod dito, nakipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa may-ari ng kanyang tinutuluyang boarding house upang mapagbigyan si Islam na hindi na muna singilin sa kanyang hindi nabayarang renta, dahil sa kawalan niya ng kakayahang magbayad.
(SMUGC;PESO)



