Dayalogo ukol sa Juvenile Justice, Isinagawa

Isang dayalogo ukol sa juvenile justice (o Comprehensive Barangay Juvenile Intervention Program Training and Planning Workshop) ang isinagawa ng MSWDO noong Enero 8-10 at 11-13, 2024 sa Pavilion I, St. Vincent Ferrer Prayer Park, Brgy. Bani, at Sangguniang Bayan Session Hall, sa tulong ng Regional Juvenile Justice and Welfare Council.

Layuning ng aktibidad, na dinaluhan ng dalawang miyembro ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) mula sa bawat 77 barangay ng Bayambang, na matukoy ang mga isyu at alalahanin at makabuo ng mga istratehiya kung paano tutugunan ang mga problema sa juvenile justice at isulong ang pagpapatupad ng batas sa lokal at pambansang antas o lebel at tiyakin ang pantay na hustisya para sa lahat, partikular para sa CICL na hinuhuli sa Bayambang.

Naging resource speaker sina Jocelyn P. Mariano at Perfecto Lasquite, upang ibahagi ang kanilang kaalaman at kadalubhasaan tungkol sa mga paksa. Tinalakay din ni MLGOO Joanna Montoya ang “Mga Tungkulin at Responsibilidad ng BCPC” at ang 1% na alokasyon ng IRA para sa LCPC Functionality.

Si Mariano ay nag-facilitate ng isang grupo ng aktibidad na “Ano/Sino ang Bata.” Bawat grupo ay nagpresenta ng kanilang output at ibinahagi ang kanilang pang-unawa ukol sa tanong. Pagkatapos ng aktibidad, tinalakay ni Mariano ang kanilang mga sagot at tinalakay rin ang paksang “Child Sensitivity.” Pagkatapos ay tinatalakay niya rin ang mga pangunahing bahagi ng RA 9344 at tamang pag-handle ng CICL at CAR.

Sa ikalawang araw, si Mariano ay nag-facilitate ng role-playing activity pagkatapos mapanood ng mga kalahok ang “Biboy,” isang maikling video tungkol sa isang menor de edad na sumailalim sa diversion sa barangay. Pagkatapos ng role-playing, ibinahagi ni Mariano ang kanyang opinyon, komento, at mga suhestiyon hinggil sa kanilang aktibidad. Pagkatapos ay tinalakay niya ang konteksto ng diversion sa antas ng barangay, ang prinsipyo ng restoratibong katarungan kaugnay ng diversion, at ang konsepto at legal na batayan ng CBJIP (Comprehensive Barangay Juvenile Intervention Program). Naghanda rin siya ng mga worksheet para sa mga kalahok na sagutan bilang preparasyon sa kanilang CBJIP.

Sa ikatlong araw, ipinagpatuloy ni Mariano ang talakayan at workshop ng mga kalahok. Pagkatapos ng workshop, tinalakay ni Lasquite ang patakaran at prosedurang may kinalaman sa registry para sa sistema ng CAR at CICL. Inudyok ang bawat barangay na lumikha ng kanilang personal na account sa sistema. Makakatulong ito sa kanila sa pagsangguni ng isang kliyente sa iba’t ibang ahensiya.

Sa huli, nakuha ng mga kalahok ang kaalaman hinggil sa delinkwensiyang kabataan at naintindihan ang iba’t ibang batas na nagbibigay proteksiyon sa mga bata at kung paano ito na maayos i-handle.

Karamihan sa mga barangay ay dumalo at nakilahok sa tatlong-arawang pagsasanay at workshop sa pagpaplano. Binigyan sila ng hanggang Marso ng 2024 upang isumite ang kanilang aprobadong Comprehensive Barangay Juvenile Intervention Program.