Day 4 ng SLP Congress | Mga Negosyante, Hinimok na Mamuhunan sa Bayambang

Sa huling araw ng SLP Congress, inimbitahan ng lokal na pamahalaan ang mga potential investors mula sa iba’t-ibang syudad at munisipalidad hindi lamang sa Pangasinan kundi mapasa-ibang lugar upang ipakilala ang Bayambang bilang lugar na mainam pagtayuan ng negosyo.

Ang aktibidad ay tinaguriang “Tuupan” — o pagtitipun-tipon sa wikang Pangasinan — at may temang “Strengthening Bayambang Economic Development: A Leap Towards Economic Sustainability” at ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong November 15, 2024. 

Mismong si Mayor Niña Jose-Quiambao at former mayor, Dr. Cezar Quiambao, ang ‘nagbenta’ sa bayan ng Bayambang bilang isang magandang lugar para sa mga mamumuhunan, at direktang naghikayat sa lahat ng dumalo na “Sumugal sa bayan ng Bayambang.”

Kabilang sa mga naging resource speakers sina Mayor Niña, Municipal Administrator at orihinal na Bayambang Poverty Reduction Action Team Chairwoman, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, ICT Officer Ricky B. Bulalakaw, at ang private consultant na si Ms. Diana Pile ng Exeledon.

Pambungad na mensahe ni Vice-Mayor IC Sabangan, “Ekonomiya ang itinuturing na dugo ng isang bansa, dugo na nagpapatakbo sa iba’t-ibang sektor ng ating komunidad. Kaya naman tayo po ay nagtipon-tipon ngayon upang matalakay kung papaanong mas mapapalakas ang ekonomiya sa ating bayan.”

Sinundan naman agad ito ng presentasyon ni Mayor Niña ukol sa “Bayambang’s Direction on Investment Program,” kung saan nabanggit nito na “Bayambang is the best place where you can live, learn, and raise a family. After all, we are more than just a vast field of land.”

“Bayambang is the place where the best things happen. So invest in the best. Invest in Bayambang,” paghihimok niya.

Iprinisenta naman ni Atty. Vidad ang “LGU-Bayambang’s Best Practices in Enhancing Local Economic Development.”

Dito ay kanyang ibinida ang mga awards na natamo ng LGU, patunay ng mabuting pamamahala sa bayan na siya aniyang pinakaugat ng lahat ng magaganda at mabibilis na pagbabago rito, pati na rin ang dalawang Guinness World Record na natamo nito, ang “longest barbecue” at “tallest bamboo sculpture,” dahilan upang magmarka ang bayan sa isipan ng marami.

Kanya ring idinetalye ang pagiging ISO-certified ng bayan sa taong 2023, iba’t-ibang proyekto na naisagawa na, at mga gagawin pa lamang at marami pang iba na siya ring nagpapakita ng isang maayos at tapat na pamamahala sa lokal na pamahalaan ng Bayambang.

Pinasadahan naman ni G. Bulalakaw ang kung gaano ka-importante ang pag-engage sa business sa LGU sa iba’t ibang pamamaraan: ang pagiging supplier, sa pamamagitan ng public-private partnership o PPP at joint venture, at pagbubukas ng bagong negosyo rito.

Ikinuwento rin niya ang iba’t ibang PPP projects ng LGU na Bayambang Commercial Strip, Septage Treatment Plan, Central Parking Terminal, at electronic payment option gamit ang GCash.

Nagprisenta naman si Ms. Pile kung ano ang BYB Metro na, sa mga susunod na taon, ay ipapatayo na sa bayan ng Bayambang.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Dr. Quiambao ang aniya ay “malalim na papel ng mga negosyante sa buhay ng isang pamayanan.” Sila aniya ay nagbibigay ng trabaho sa maraming tao, at ang kanilang negosyo ay nanganganak ng iba pang negosyo at trabaho, at nagpapaunlad ng lokal na ekonomiya, at iba pa.

Bilang pangwakas, nagpasalamat ang bagong appoint na head ng Office of Special Economic Enterprise na si Atty. Justine Alvarez sa lahat ng miyembro ng business sector na nagpaunlak na dumalo sa aktibidad. (SJGG/RSO; JMB)