Nagsagawa ng project monitoring at koordinasyon ang Department of Agriculture–Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Scale-up, sa pangunguna ni Assistant Secretary at National Project Director U-Nichols A. Manalo, kaugnay ng itinatayong Bayambang Onion Cold Storage Facility sa Brgy. Amancosiling Sur nitong Hulyo 10, 2026.
Isinagawa ang pagbisita sa proyekto at isang coordination meeting kasama ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang, na pinamumunuan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, mga kinauukulang opisyal ng LGU, technical personnel, at kinatawan ng contractor upang talakayin ang kasalukuyang implementasyon ng proyekto at tiyaking maayos ang pagpapatuloy nito.
Layunin ng monitoring na matiyak ang maayos at napapanahong pagkumpleto ng cold storage facility upang agad itong mapakinabangan ng mga magsasaka ng sibuyas sa Bayambang at mga karatig-lugar.
Siguradong makatutulong ang pasilidad na ito sa hinaharap sa pagpapahaba ng shelf life ng ani, pagbawas ng post-harvest losses, at pagpapalakas ng kabuhayan ng mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng mas mahusay na post-harvest support infrastructure.
Patuloy namang nakikipagtulungan ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa DA-PRDP at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang matagumpay na pagsasakatuparan ng mahalagang proyektong ito para sa sektor ng agrikultura sa bayan. (RSO; MEO)








