Ang BFP Bayambang Fire Station ay nagbigay ng isang Community Fire Auxiliary Group (CFAG) Training sa dalawang barangay upang maihanda ang mga boluntaryo sa tamang pagresponde sa mga insidente ng sunog at iba pang emergency sa kanilang sariling komunidad.
Ito ay ginanap noong Marso 31, 2026, sa pangunguna ni OIC Municipal Fire Marshal, FSInsp. Raymond C. Palisoc sa BFP-Bayambang station.
Nilahukan ang nasabing pagsasanay ng mga kinatawan mula sa Zone 1 at Brgy. Magsaysay, na nagnanais at nagsisikap na mapalakas ang kahandaan ng buong komunidad laban sa sunog, at kapwa aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kanilang mga nasasakupan.
Sa isinagawang training, tinalakay ang mga batayang kaalaman sa fire prevention, paggamit ng fire extinguisher, at mga unang hakbang sa pagresponde sakaling magkaroon ng sunog, at nagkaroon din ng hands-on demonstration upang mas mapalalim ang kaalaman at kumpiyansa ng mga kalahok sa aktuwal na sitwasyon.
Ayon kay FSInsp. Palisoc, mahalaga ang pagkakaroon ng mga sinanay na community volunteers na maaaring maging unang rumesponde habang papunta pa lamang ang mga bumbero sa lugar ng insidente. “Ang bawat segundo ay mahalaga sa sunog. Kung may sapat na kaalaman ang komunidad, mas malaki ang tsansang maiwasan ang paglala ng pinsala,” aniya.
Ipinakita rin sa pagsasanay ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng BFP at ng mga barangay, lalo na sa mabilis na pagpapalaganap ng impormasyon at pag-aksyon sa oras ng pangangailangan.
Sa pamamagitan ng CFAG Training, patuloy na pinatitibay ng BFP-Bayambang ang ugnayan nito sa komunidad—isang hakbang tungo sa mas ligtas, handa, at responsableng mamamayan laban sa panganib ng sunog. (RSO; BFP)








