Committee Hearing sa Panukalang Revised Revenue Code at Market Code ng Bayambang, Isinagawa

Ang Committee on Market, Trade and Industry at Committee on Ways and Means ng Sangguniang Bayan ng Bayambang ay nagsagawa ang isang Joint Committee Hearing ngayong araw, Marso 12, 2026, sa Session Hall, Legislative Building, upang talakayin at pinal na suriin ang mga panukalang ordinansa na may kaugnayan sa kita at pamamahala ng pamilihan ng bayan.

Sa naturang pagdinig, tinalakay ang dalawang mahalagang panukalang batas, kabilang ang Municipal Tax Ordinance No. 001-2026 na naglalayong ipatupad ang Revised Revenue Code of the Municipality of Bayambang, at ang Municipal Tax Ordinance No. 002-2026 na naglalaman ng Revised Market Code of the Municipality of Bayambang — dalawang panukalang may layunin na mapabuti ang sistema ng pangongolekta ng kita ng lokal na pamahalaan at higit pang mapaayos ang pamamalakad sa mga pamilihan sa bayan.

Dumalo sa pagdinig ang iba’t ibang opisyal at kinatawan ng mga tanggapan ng lokal na pamahalaan na inimbitahang magsilbing resource persons upang magbigay ng kanilang mga pananaw at teknikal na rekomendasyon, kabilang sina Atty. Bayani B. Brillante Jr. ng Municipal Legal Office at Municipal Assessor, Mr. Ricky V. Bulalakaw ng ICTO/OIC-MPDO, Ms. Charmaine Rose C. Bulalakaw ng Office of the Municipal Treasurer, Atty. Mary Grace C. Agas ng BPLO, Atty. Justine S. Alvarez ng OIC-SEE, Engr. Bernadette D. Mangande ng Municipal Engineering Office, Dr. Paz F. Vallo ng Municipal Health Office, Dr. Adrienne A. Estrada at Dr. Roland M. Agbuya ng Rural Health Units, Mr. Ismael D. Malicdem Jr. ng Municipal Civil Registrar, at Ms. Ma-Lene S. Torio ng MENRO.

Sa pamamagitan ng aktibong talakayan at pagbibigay ng mga suhestiyon mula sa mga dumalong opisyal at kinatawan ng iba’t ibang sektor, inaasahang higit pang mapapabuti ang mga probisyon ng nasabing mga ordinansa bago ito tuluyang ipatupad.

Ang nasabing public hearing ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Sangguniang Bayan ng Bayambang na matiyak ang maayos, makatarungan, at makabagong mga polisiya para sa mas epektibong pamamahala at mas maayos na serbisyong pampubliko para sa mga mamamayan ng Bayambang. (RSO; SB)