Ceremonial Signing, Ginanap para sa Phase 2 ng WB/DA-PRDP San Gabriel II–Pantol Farm-to-Market Road Project

Sa ilalim ng administrasyong Quiambao-Sabangan, muling pinatunayan ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang na ang tapat at masinop na pamamahala ay nagbubunga ng mga proyektong tunay na nakikinabang ang mamamayan.

Pormal na nilagnadaan ang kontrata at Notice to Proceed para sa Phase 2 ng San Gabriel II–Pantol Farm-to-Market Road Project, na nagkakahalaga ng ₱284 milyon sa ilalim ng World Bank at DA-PRDP grant, nina Mayor Niña Jose-Quiambao at ni G. Rogelio Sepian, kinatawan ng RS Sepian Construction, sa ceremonial contract signing ngayong araw, Oktubre 6, 2025, kasama sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan at mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Municipal Engineer Bernadette Mangande, at iba pang mga miyembro ng implementing unit ng LGU.

Ang proyekto ay nagsisilbing ikalawang yugto ng Farm-to-Market Road Project na mag-uugnay sa Barangay San Gabriel II at Barangay Pantol para mapabilis ang transportasyon ng mga produktong agrikultural patungo sa sentro ng bayan at sa mga pamilihan.

Ayon kay Mayor Niña, “Hindi natin ito inutang; ibinigay ito sa ating LGU dahil sa tiwala ng pambansang pamahalaan at ng World Bank sa ating kakayahan. Dumaan tayo sa butas ng karayom bago makamit ang tagumpay na ito, kaya’t ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap at paninindigan para sa tapat na serbisyo.” (KB/RSO; AG, ALC)