CBMS 2024: “Swak na Datos para sa Komunidad na Mas Maayos”

Ang mga miyembro ng Community-Based Monitoring System (CBMS) Coordinating Board ng LGU-Bayambang ay tinipon sa unang pagkakataon, sa pag-oorganisa ng MPDC, sa Mayor’s Conference Room noong Pebrero 2, 2024.

Ayon kay Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, na nanguna sa pulong sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, “The CBMS Coordinating Board is, for me, the most important Board in the LGU. Dahil kung walang maayos na datos, hindi natin madadiagnose ng tama ang mga pangangailangan sa barangay, hindi natin mapagtatagumpayan ang ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan.”

“Ilang kabahayan ang walang kuryente, walang palikuran?” dagdag niya, upang ipaliwanag sa lahat ang halaga ng CBMS.

Sa proyektong ito, ang mga enumerators na iha-hire ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kakalap ng mga target na datos mula sa bawat kabahayan sa isang malawakang census sa darating na Hunyo.

Naroon ang mga opisyal ng Provincial Statistics Office (PSO) na sina Registration Officer I Rowena F. Tamayo, Senior Statistical Specialist/CBMS Focal Person Verna M. Palsimon, at Statistical Analyst Josephine L. Rosario upang talakayin ang scope at coverage ng 2024 CBMS, objectives at legal bases nito, mga kaakibat na data privacy and confidentiality issues, at ang papel at responsibilidad ng mga miyembro ng Board.

Kasama sa pulong ang mga concerned departments at mga opisyal at representante mula sa DILG, PNP, at DepEd.