Byaheng Tirad, Muling Nag-stop Over sa Bayambang

Muling nagbalik ang taunang Byaheng Tirad Pass o Tirad Pass Heroes’ Trek sa Bayambang mula nang matigil ito dahil sa pandemya.

Ang organizer nito na Bulacan Salinlahi Inc., sa pamumuno ni G. Isagani Giron, katuwang ang National Historical Commission of the Philippines, ay sinalubong ng mga kawani ng Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office noong  ika-1 ng Disyembre 2024.

Sila ay inalok ng simpleng agahan sa Balon Bayambang Events Center, at pagkatapos ay ipinasyal sa St. Vincent Ferrer Prayer Park.

Ayon kay Giron, ang muling pagsimula ng Byaheng Tirad ay isang “milestone project” upang alalahanin ang ika-125 anibersaryo ng labanan sa Pasong Tirad at bilang pasimula na rin ng ika-150 taon ng kaarawan ni Heneral Gregorio del Pilar sa taong 2025.

Simula noong 1999, ang bayan ng Bayambang ay naging parte na ng taunang byahe dahil ito ang tinaguriang huling kapitolyo o kabisera ng pamahalaan ni Heneral at Presidente Emilio Aguinaldo nang maitatag ang Unang Republika ng Pilipinas noong taong 1899.

Mula sa Lungsod ng Malolos, Bulacan, ang grupo ay dumating dito ng ika-6:30 ng umaga.

Pagkatapos ng kanilang pagbisita, sila ay tumuloy na upang tahakin ang daan papuntang Candon City, Ilocos Sur, hanggang sa marating ang bayan ng Salcedo at Gregorio del Pilar, Ilocos Sur upang doon ay akyatin ang bundok patungong Pasong Tirad, kung saan binaril “ang batang heneral” na si Gregorio del Pilar. (Resty S. Odon; Jayvee M. Baltazar