Business and Transport Group, Binigyang-Pagkilala

Nagtipon ang mga kasapi ng transport sector at mga negosyate sa Bayambang sa isang matagumpay na Business and Transport Group Day 2025 na ginanap sa Pavilion 1, St. Vincent Ferrer Prayer Park noong Abril 4.

Ang aktibidad ay bahagi ng kapistahan ng bayan na naglalayong kilalanin ang kanilang mahalagang papel sa komunidad.

Tampok sa programa ang “Transport and Business Sector Got Talent,” “Best in TikTok Dance Competition,” at raffle draw, na nagbigay-saya sa lahat ng dumalo.

Sa mensahe ni Board Member Vici C. Ventanilla, inanunsyo niya ang plano niyang magbigay ng accident insurance para sa lahat ng miyembro ng transport group bilang suporta sa kanilang kapakanan at seguridad.

Samantala, nagpahayag si Mayor Niña Jose-Quiambao sa okasyon ng kaniyang paghanga sa dedikasyon at sipag ng business and transport group: “Kayo ay ipinagmamalaki ng ating pamahalaan dahil sa inyong dedikasyon upang maiahon ang inyong pamilya at ang ating bayan sa kahirapan. Nasa inyong paggawa ang lakas ng ating pamayanan. Ang inyong sipag at pagsusumikap ay ang aming inspirasyon upang mas lalong patatagin at paasensuhin ang bayan ng Bayambang.”

Matagumpay na nag-iwan ng marka ang Business and Transport Group Day, hindi lamang bilang isang selebrasyon kundi bilang isang pagpapahalaga sa sipag at sakripisyo ng sektor ng transportasyon at negosyo sa pag-unlad ng bayan ng Bayambang.

Isinulat ni: Hannah Nicole DC. Gabriel

Mga Larawan ni: King James Patricio, JMB

Inedit ni: G. Frank Brian S. Ferrer