Upang itaguyod ang kultura, tradisyon, at mga produktong tatak-Bayambang, itinampok ang “Buro-Licious: Native Delicacy Demo” bilang bahagi ng pagdiriwang ng Tourism Month 2025 na may temang “Tourism and Sustainable Transformation” sa Food Innovation Center, Pangasinan State University (PSU) Bayambang Campus, nitong Oktubre 10.
Pinangunahan ni G. Norberto de Vera ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng kanyang mensahe ng pagbati, na sinundan ng pagtalakay ni Gng. Monica Varilla, PSU DOST I Food Technologist, ng Republic Act No. 10611 of 2013 o Basic Food Safety at Current Good Manufacturing Practices (cGMP) upang matiyak ang ligtas at de-kalidad na paggawa ng mga produktong pagkain.
Kasunod nito, ibinahagi naman ni G. De Vera, may-ari ng Nanay Doray’s Buro brand, ang kasaysayan at kahalagahan ng buro bilang tradisyunal na lutuing Bayambangueño na patuloy na nagbibigay pagkakakilanlan sa bayan.
Bilang tampok ng aktibidad, isinagawa ang isang buro-making demonstration kung saan ipinakita ang tamang proseso ng paggawa ng ginisang burong isda, isa sa mga pangunahing produktong ipinagmamalaki ng Bayambang.
Bilang pagtatapos, nagbigay ng closing remarks si Dr. Wilma de Vera, Head ng PSU DOST I Food Innovation Center.
Dumalo sa aktibidad ang mga estudyante mula sa Bayambang National High School (BNHS), Saint Vincent Catholic School of Bayambang, Inc. (SVCSBI), at PSU Bayambang Campus (PSU BC) na aktibong lumahok at nagpakita ng interes sa tradisyunal na lutuing Bayambangueño.
Ang “Buro-Licious” ay naglalayong hindi lamang ipreserba at ipromote ang lokal na pagkaing tatak-Bayambang kundi palakasin din ang turismo at kulturang pangkabuhayan tungo sa mas sustenableng kinabukasan. (Charlaine Melendez, RGDS/RSO; WMC/JLT)



















