Matagumpay na muling idinaos ang Buntis Congress 2025 sa Balon Bayambang Events Center nitong ika-19 ng Setyembre. Pinangunahan ng Rural Health Unit II, ang taunang programa sa ilalim ng temang “Healthy Moms, Healthy Babies: Empowering Every Step of Motherhood,” na naglalayong palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga ina sa tamang pangangalaga sa kanilang sarili at sa kanilang mga sanggol sa sinapupunan.
Sa pambungad na mensahe ni Dr. Adrienne Estrada ng RHU II, binigyang-diin niya ang kritikal na papel ng maagang pag-iwas sa mga maling nakagawian at komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng mga buntis. “Ang inyong kalusugan ay siyang magiging pundasyon ng kaligtasan ng inyong mga sanggol,” pagdidiin ni Estrada sa harap ng 78 na dumalong mga ina at buntis.
Naging sentro ng programa ang mga lektura mula sa mga eksperto. Tinalakay ni Dr. Lorelene P. Mangarin, Ob-Gyne, ang mga prenatal care tips at mga dapat iwasan sa pagbubuntis.
Samantala, ipinunto ni DOH nurse Ian Roger C. dela Peña ang kahalagahan ng pagbabakuna kontra tetanus, pertussis, at rubella para sa proteksyon ng mga sanggol.
Dagdag dito, nagbahagi rin si Dr. Alma Bandong ng mga istratehiya sa pangangalaga ng oral health ng mga ina at sanggol, at ipinaliwanag din ni Municipal Nutrition Action Officer Venus M. Bueno ang tamang nutrisyon at diet para sa malusog na pagbubuntis.
Sa mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao na hatid ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, hinimok ang mga nanay na maging aktibo sa mga programa ng lokal na pamahalaan. “Ang inyong partisipasyon ang susi upang masiguro ang ligtas at malusog na kinabukasan ng ating mga anak,” ani Vidad.
Hindi umuwing walang dala ang mga kalahok, dahil namahagi ang RHU ng mga freebies kabilang ang newborn dress set at ferrous sulfate mula sa RHU II at ascorbic acid mula sa DOH.
Mayroon ding ginanap na raffle, kung saan ang mga nagwagi ay nakatanggap ng oral hygiene kit mula sa DOH at pranela mula sa RHU II.
Ayon kay Municipal Health Officer, Dr. Paz F. Vallo, patuloy na pagtutulungan ng RHU at lokal na pamahalaan ang siyang susi upang mas maraming ina ang maging handa at ligtas sa bawat yugto ng pagdadalang-tao.
Ang Buntis Congress ay taunang inisyatibo ng Bayambang RHU, na suportado ng Department of Health at lokal na pamahalaan, bilang bahagi ng pagtupad sa United Nations Sustainable Development Goals (SDGs) para sa kalusugan at gender equality. (VMF/RSO; WMC, Karl Vincent Alvarez)







