Muling nagpatuloy ang Buklat Aklat project ni Mayor Niña Jose-Quiambao, at inilunsad ang ikatlong taon nito sa Buenlag Elementary School noong Hunyo 23, 2026, kung saan masayang sinalubong ng mga mag-aaral ang Buklat Aklat team.
Pinangunahan siyempre ni Mayor Niña ang programa, kung saan kanyang binasa ang kuwentong “Si Pam Pagong at si Eko Kuneho.”
Hindi lamang siya nagbahagi ng kuwento kundi nag-iwan din ng mahalagang aral sa mga bata tungkol sa pagpapakumbaba at kabutihan. Aniya, “Mas mabuting maging mabuti kaysa maging magaling.”
Dumalo rin bilang suporta sa programa sina Councilor Jan Nazer David B. Junio at Councilor Rhyan de P. Vera. Nakiisa rin si SK Federation President John Roy Jalac kasama ang mga opisyal ng SK Federation at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ng Buenlag, gayundin ang Local Youth Development Office (LYDO), bilang suporta sa literacy project na ito.
Nagpakita rin ng suporta ang mga guro at ang punong-guro ng paaralan na si Alex N. Junio.
Masayang nakinig at aktibong nakilahok ang mga mag-aaral sa mga tanong at talakayan ni Mayor Niña.
Nagpamigay rin ang team ng libreng lugaw at ice cream na ikinatuwa ng mga bata. Namahagi rin ng McDonald’s meals na lalong nagdagdag saya sa mga mag-aaral.
Namahagi rin ng mga coloring book at krayola ang team, kaya naman napuno ng aktibidad ang buong sesyon.
Sa pamamagitan ng Buklat Aklat, patuloy na nahihikayat ang mga bata na mahalin ang pagbabasa habang natututo ng mahahalagang kaalaman at ginintuang aral na kanilang magagamit sa pang-araw-araw na buhay.













