Isang makabuluhang umaga ng inspirasyon at pag-asa ang naidulot ng proyektong “Buklat Aklat” ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa mga mag-aaral ng Tamaro-Tambac Elementary School noong ng Oktubre 9, 2025.
Ang proyekto ay pinangunahan ng Local Youth Development Office (LYDO) sa pakikipagtulungan ng Sangguniang Kabataan (SK), Task Force Disiplina (TFD), Municipal Nutrition Action Office, at Bayambang Poverty Reduction Action Team.
Layunin ng “Buklat Aklat” na palaganapin ang kasiyahan sa pagbabasa sa mga kabataan na siya rin lilinang ng kanilang kakayahan sa pagbabasa.
Nagkaroon ng pamamahagi ng iba’t ibang uri ng aklat mula sa mga kuwentong pambata hanggang sa mga aklat na naglalaman ng mahahalagang aral sa buhay.
Nagbigay ang SK Federation ng paaalala ukol sa mga tamang asal para sa mga bata at kabataan, sa gabay ng TFD.
Nagsilbing espesyal na guest storyteller si Councilor Nazer Jan David Junio.
Nagbigay naman ng mainit na pagbati sa lahat ang Punong Guro ng Tamaro-Tambac Elementary School Corazon P. Cayabyab sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Ms. Jocelyn Caliyon.
Dumalo rin si SK Federation President John Roy Jalac kasama ang mga SK Federation officers at SK members ng Brgy. Tambac at SK members ng Brgy. Tamaro sa pamumuno ni SK Chairman Erika Pagsolingan.
Dumating din sina Dr. Roberto at Mrs. Gina Gabriel at Team Gabriel kasama ang Bayambang Matikas Eagles Club sa pamumuno G. Bogs Bugarin upang mamahagi ng meriendang sopas at ice cream sa mga kalahok.
Inaasahan na ang programang “Buklat Aklat” ay magsisilbing inspirasyon upang mahikayat ang iba pang mga komunidad na isulong ang mga katulad na programa na nagbibigay-halaga sa pagbabasa at pag-aaral.
Sa pamamagitan ng programang ito, nariyan ang pag-asa na lahat ng kabataang Bayambangueño ay makatatanggap ng isang nakakaangat na kalidad ng edukasyon. (John Loyd Tamondong/RSO; JMB)










