Muling naghatid ng inspirasyon at pag-asa ang programang “Buklat Aklat” ni Mayor Niña Jose-Quiambao sa mga mag-aaral ng Nalsian Elementary School nitong Nobyembre 6.
Pinangunahan ang programa ng Local Youth Development Office (LYDO) sa pakikipagtulungan ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan (SK), at Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT).
Sa nasabing gawain, ipinamigay ang iba’t ibang uri ng aklat, mula sa mga kuwentong pambata hanggang sa mga babasahing nagbibigay-inspirasyon at mahahalagang aral sa buhay, na naglalayong hikayatin ang kabataan na mas mahalin ang pagbabasa bilang susi sa tagumpay at pangarap.
Nagsilbing espesyal na guest storyteller si Councilor Rhyan de Vera, na nagbahagi ng makabuluhang kuwento na nagpasigla sa imahinasyon at nagbigay inspirasyon sa mga mag-aaral.
Dumalo rin sa programa si SK Federation President John Roy Jalac kasama ang mga opisyal ng SK Federation, SK Council ng Nalsian Sur at Norte, at ang kaguruan ng paaralan sa pangunguna ni Principal Sonny Claveria, na nagbigay ng kanilang buong suporta upang maging matagumpay ang naturang aktibidad.
Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatiba, patuloy na pinatutunayan ng pamahalaang bayan ng Bayambang sa pangunguna ni Mayor Niña na bawat kabataang Bayambangueño ay may karapatang makatanggap ng de-kalidad na edukasyon at mabigyan ng inspirasyon tungo sa mas maliwanag na kinabukasan. (Karl Vincent Alvarez, RGDS/RSO; AG)









