Pormal na sinimulan ngayong araw, Hulyo 9, 2026, ang Year 2 ng ‘Bright Smiles, Bright Futures’ (BSBF) Community Oral Health Project, isang programa ng LGU-Bayambang sa pakikipagtulungan ng Colgate-Palmolive Philippines na naglalayong palakasin ang kalusugan ng bibig ng mga batang nasa Child Development Centers (CDCs) sa buong bayan.
Sa unang araw ng implementasyon, nagtungo ang RHU I Dental Team sa pangunguna ni Dr. Dave Francis Junio sa Brgy. Balaybuaya upang pagsilbihan ang mga mag-aaral mula sa Balaybuaya, Beleng, at Macayocayo Child Development Centers. Bumisita naman ang RHU II Dental Team sa pangunguna ni Dr. Alma Bandong sa Brgy. Wawa, kung saan nabigyan ng oral health services ang mga bata mula sa Wawa, Dusoc, Darawey, at Pugo Child Development Centers.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang oral health education, toothbrushing demonstration, oral examination, at pamamahagi ng mga oral health kits mula sa Colgate bilang bahagi ng layunin ng programa na maitaguyod ang tamang pangangalaga sa ngipin at bibig ng mga batang Bayambangueño.
Magpapatuloy ang ‘Bright Smiles, Bright Futures’ Community Oral Health Project mula Hulyo hanggang Setyembre, kung saan bibisitahin ng dental team ang lahat ng Child Development Centers sa Bayambang upang matiyak na mas marami pang kabataan ang mabibigyan ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa bibig.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng LGU-Bayambang at Colgate-Palmolive Philippines, inaasahang higit pang mapapalawak ang kaalaman at magandang gawi sa oral health ng mga kabataan tungo sa mas malusog at mas maliwanag na kinabukasan. (DFJ; RHU 1)







