Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre, dinala ng oral health team ng Rural Health Unit ng Bayambang at MSWDO ang “Bright Smiles, Bright Futures Community Project” sa ANCOP Ville, Barangay Sancagulis, ngayong araw, Nobyembre 18, 2025, sa pakikipag-ugnayan ng Colgate-Palmolive Philippines at Philippine Dental Association-Pangasinan Chapter.
Sa programang ito, naghandog ang oral health team ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan sa ngipin para sa mga bata, kabilang ang oral health lecture, toothbrushing drill, dental sealant application, at fluoride varnish application.
Ang lahat ng ito ay naglalayong mapalakas ang kaalaman at proteksyon ng mga kabataan laban sa tooth decay.
Nabuo rin ang isang makabuluhang partnership kasama ang Yakult Philippines, kung saan nagbigay sila ng maikling lecture tungkol sa kalusugan ng tiyan at libreng Yakult drinks para sa mga bata.
Bukod dito, naghatid ng maagang pamaskong handog ang PDA-Pangasinan Chapter, na nagbigay ng mga laruan at damit para sa mga batang residente ng ANCOP Ville, na siyang lubos na ikinagalak ng mga bata at nagdagdag kulay at saya sa pagdiriwang.
Sa kabuuan, 55 na bata mula edad 0 hanggang 14 taong gulang ang naging benepisyaryo ng proyekto.
Patunay ang aktibidad na ito na patuloy ang adbokasiya ng bayan ng Bayambang sa pagpapalakas ng kalusugan ng ngipin ng bawat bata tungo sa mas maliwanag na ngiti at mas masiglang kinabukasan. (DFJ/RSO; RHU)









