Mas pinaigting ang kahandaan at propesyonalismo ng mga traffic enforcer ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) matapos silang makatanggap ng bagong kumpletong uniporme ngayong araw, Marso 28, 2026.
Kabilang sa ipinamahaging gamit ang bagong T-shirt at pants, combat shoes, reflectorized vest, at cap na inaasahang makatutulong hindi lamang sa mas maayos na presentasyon ng mga enforcer, kundi lalo na sa kanilang kaligtasan habang nagsasagawa ng traffic management sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
Ayon sa BPSO, ang pagbibigay ng bagong uniporme ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mapabuti ang serbisyo publiko at matiyak ang kaayusan sa mga lansangan. Malaki rin ang maitutulong ng reflectorized vest upang maging mas visible ang mga enforcer, lalo na sa gabi o sa mga lugar na may mababang ilaw.
Dagdag pa ng tanggapan, inaasahang mas mapapalakas ng nasabing inisyatibo ang disiplina at kumpiyansa ng mga traffic enforcer sa pagtupad ng kanilang tungkulin para sa kapakanan ng mga motorista at mamamayan ng Bayambang.
Patuloy namang hinihikayat ng BPSO ang publiko na makiisa at sumunod sa mga batas-trapiko upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa kalsada. (RSO; BPSO)




