Patuloy ang pinaigting na pagpapatupad ng batas trapiko at mga lokal na ordinansa ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) Traffic Enforcers katuwang ang Task Force Disiplina upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at disiplina sa buong bayan ng Bayambang.
Kabilang sa mahigpit na ipinatutupad ay ang pagsunod sa tamang paradahan, pagsusuot ng helmet, pagbabawal sa obstruction sa kalsada, wastong pagsunod sa traffic signs at signal, at iba pang mga alituntunin alinsunod sa umiiral na batas trapiko at lokal na ordinansa ng bayan.
Kasama rin dito ang pagpapaalala sa mga pampublikong sasakyan at mga tricycle operators na pairalin ang disiplina at responsableng pagmamaneho sa lahat ng oras.
Bukod sa pagpapatupad ng batas trapiko, aktibo ring tumutulong ang BPSO Traffic Enforcers at Task Force Disiplina sa pagbibigay ng seguridad at traffic assistance sa iba’t ibang aktibidad ng munisipyo gaya ng mga programa, selebrasyon, civic activities, at pampublikong pagtitipon. Nagbibigay rin sila ng assistance sa mga pribadong parada at aktibidad ng iba’t ibang establisimyento upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, kaligtasan ng mga kalahok, at kaayusan sa paligid ng lugar na pagdarausan ng aktibidad.
Ayon sa pamunuan ng BPSO, mahalagang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mahigpit ngunit makataong pagpapatupad ng batas. Patuloy rin nilang hinihikayat ang pakikipagtulungan ng bawat mamamayan upang maging maayos, ligtas, at disiplinado ang komunidad.
Binigyang-diin din ng BPSO at Task Force Disiplina na ang pagpapatupad ng batas ay hindi lamang para sa pagsita at pagpapataw ng kaukulang parusa, kundi upang maturuan at mahikayat ang publiko na maging responsable at disiplinadong mamamayan.
Sa patuloy na pagkakaisa at kooperasyon ng mga kinauukulan at ng mamamayan, inaasahan ang mas maayos na trapiko, mas ligtas na lansangan, at mas disiplinadong pamayanan para sa lahat. (BPSO; BPSO)















