Ang mga kawani ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) ay lumahok sa limang araw na pagsasanay sa Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid, upang palakasin ang kakayahan ng mga frontliner sa pagbibigay ng agarang tulong medikal sa oras ng sakuna at emerhensiya.
Ang naturang pagsasanay ay nagsimula noong Marso 23 at nagtapos ng Marso 27, 2026 sa Pinoy Workers Partylist Center.
Tinuruan ang mga kalahok ng tamang paraan ng cardiopulmonary resuscitation (CPR), pagresponde sa mga kaso ng choking, sugat, bali, at iba pang pangunang lunas.
Bahagi rin ng programa ang wastong pag-assess sa kondisyon ng pasyente at ang mabilis na pag-aksyon upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon bago pa man madala sa ospital.
Kabilang sa mga trainors sina Dr. Eloy P. Bueno, Jonathan T. Melchor, at Jake Kevin Baniqued ng Pangasinan Provincial Health Office, kasama ang kanilang support staff na sina Reenzo Maure and Manuel Delos Santos.
Ayon sa mga panauhing sina Municipal Administrator at BPSO OIC-Chief, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Task Force Disiplina Deputy Officer, Lt. Amory Junio, at kinatawan ng DOH Region I na si Ian Rodger dela Peña, mahalaga ang ganitong uri ng pagsasanay upang mas maging handa ang mga BPSO sa pagtugon sa iba’t ibang insidente sa komunidad, kabilang ang aksidente, kalamidad, at iba pang hindi inaasahang pangyayari.
Sa pamamagitan nito anila, inaasahang mas mapapabilis ang pagresponde at mas maraming buhay ang maililigtas sa tulong ng mga sanay na barangay responders. (RSO; BPSO)














