Nagpamahagi ng mga bagong uniporme ang Bayambang Public Safety Office (BPSO) para sa mga lay rescuer at ambulance driver nito, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkaligtasan at pang-emergency sa bayan ng Bayambang.
Sa pagkakaloob ng mga bagong uniporme, napapataas ang propesyonalismo, pagkakakilanlan, at kahandaan ng mga personnel na nagsisilbi sa komunidad, lalo na sa panahon ng mga emerhensiya, sakuna, at iba pang insidenteng nangangailangan ng agarang pagtugon.
Ayon sa pamunuan ng BPSO, mahalagang mabigyan ng angkop na kagamitan at kasuotan ang mga lay rescuer at ambulance driver bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.
Nagsisilbi ring inspirasyon ang mga bagong kagamitan upang higit pang pagbutihin ang kanilang serbisyo publiko.
Bilang pasasalamat, nagpahayag ang mga BPSO staff na nagsisilbing dagdag-motibasyon ang bagong kasuotan upang gampanan nang buong dedikasyon at kahusayan ang kanilang mga responsibilidad bilang mga frontliner sa pagtugon sa mga emergency at rescue operations. (JFDV/RSO; BPSO)


