Ang Bayambang Public Safety Office (BPSO), katuwang ang Task Force Disiplina (TFD), ay nagpatupad ng pinaigting na seguridad at kaayusan sa isinagawang pagdiriwang ng pista at paggunita sa Semana Santa sa bayan ng Bayambang, sa pangunguna ni Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, OIC BPSO Chief, at 1Lt Amory Junio (Res) PA, TFD Deputy at BPSO Operations Chief.
Kasama rin na tumulong ang 104th Community Defense Center ng 1st Regional Community Defense Group ng Army Reserve Command ng Philippine Army.
Ayon sa ulat, naging maayos at mapayapa ang daloy ng mga aktibidad dahil sa epektibong crowd control na isinagawa ng mga tauhan. Mahigpit ding binantayan ang mga matataong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mga bisita na nakiisa sa selebrasyon.
Bukod dito, naglatag din ng mga hakbang sa area security ang mga awtoridad, kabilang ang regular na pagroronda at paglalagay ng mga personnel sa mga pangunahing lugar ng pagtitipon. Layunin nitong maiwasan ang anumang insidente at mapanatili ang kaayusan sa buong panahon ng okasyon.
Samantala, naging maayos din ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa tulong ng ipinatupad na traffic management plan. Nag-deploy ng mga traffic enforcers sa mga kritikal na intersection upang gabayan ang mga motorista at maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng sasakyan.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdiriwang ng pista at Semana Santa sa Bayambang sa tulong ng koordinadong aksyon ng BPSO at TFD, na nagbigay ng ligtas at organisadong kapaligiran para sa lahat. (RSO; BPSO)





