Noong ika-9 ng Marso 2026, nagsagawa ang mga miyembro ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) at Task Force Disiplina ng sorpresang inspeksyon sa Bayambang Tricycle Terminal upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero at mga drayber.
Sa isinagawang inspeksyon, sinuri ang tamang pagpila ng mga tricycle sa terminal at pinaalalahanan ang mga drayber na sumunod sa umiiral na batas-trapiko at mga lokal na ordinansa ng bayan. Pinayuhan din ang mga ito na sundin ang tamang pamasahe, magsuot ng maayos na uniporme at ID, at panatilihin ang disiplina sa loob ng terminal.
Layunin ng naturang hakbang na mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at maayos na serbisyo para sa mga residente at pasahero sa lugar. Ayon sa mga miyembro ng BPSO at Task Force Disiplina, regular na isinasagawa ang ganitong uri ng inspeksyon upang matiyak ang pagsunod sa mga patakaran at mapanatili ang kaayusan sa mga pampublikong lugar sa barangay.
Nagpasalamat naman ang ilang pasahero at drayber sa patuloy na pagpapatrolya ng mga awtoridad, dahil nakatutulong ito upang maging mas organisado, ligtas, at maayos ang sistema ng transportasyon sa bayan. (JFDV/RSO; BPSO)






